March 26, 2010

CBA Ilocos Tour 2010


Ilocos won't be the same without you.
Ahaha. Susubukan kong gawing kumpleto 'tong journal na 'to.


Saturday, March 20, 2010

Nung umaga lang ako nakapagsimulang mag-impake ng mga dadalhin ko sa tour namin sa Ilocos (Vigan, Laoag, at kung saan-saan pa); gumawa ako ng listahan bago ako naglagay ng mga gamit ko sa bag. Medyo maaga kami pumunta nila Dan sa school, mga 1pm. Nag-ayos pa kasi kami ng slideshow at nung mga songs na gagamitin ko sa pagdi-DJ.

BGM: I Gotta Feeling - The Black Eyed Peas (David Guetta Remix)
Sumakay kami sa bus nang mga 8pm. Hindi din nasunod yung unang seat plan, kaya dun ako napwesto sa pinakalikod ng bus kasama sila Ephraim, Albert, Ely, saka Alex. Sa bus 2 kami, number 80010 ng Haranah Tours, yung may kulay pink na stripe.

Bago kami tuluyang umalis, nagpakilala muna yung tour guide namin, si manong este Kuya Eric. Ang sabi nya, coach captain daw ang tawag nila sa bus driver. Wala lang. Nag-lead ng prayer si Sir Gloria. Tapus ayun na, nagsimula na ang mahabang byahe papuntang Ilocos.

BGM: Sugar We're Going Down (Live) - Fall Out Boy
Walang nagdala sa mga nakasakay sa likod ng pagakin, "meron naman kasing mamimigay sa mga klasmeyt natin," pare-pareho kami ng nasa isip, hehe. Nakow, may dala ba namang The Bar yung iba sa likod, edi ayun, nag-iinom sila habang bumabyahe, tapos Lipton Red Tea yung chaser nila. Buti na lang nagpalit kami ni Albert kaya andun ako napaupo sa gilid.

Sa Petron yung unang stop-over namin, dun sa may isang CR lang tapos magka-share pa ang lalaki sa babae. Ayus, edi ang haba ng pila. Buti na lang kahit saan pwede 'pag lalaki. Dun kami umihi sa likod ng mga truck na nakaparada. Yeah. May isa pang stop-over, pero hindi na ako bumaba dun. Tapos sa Total yung sumunod para sa coffee break. Bumili ako ng Kornets dun, tapos Gardenia na Chocolate Chip flavor naman yung kay Ely (Ely, ayus quality service ahaha). Ang haba talaga ng byahe, kaya kahit paano eh sinubukan ko na din na matulog kahit 'di komportable. Nagising na lang ako dun sa sumunod naming stop-over, sa may lugawan. P25 ang plain lugaw, tapos malambot masyado yung kanin. Ah ewan, basta.


Sunday, March 21, 2010

BGM: Female Acoustic Covers ng This Love, How To Save a Life, Here without You, etc.
Masarap panoodin ang mga tanawin sa mga dinaanan namin papuntang Vigan habang kumakalat ang sinag ng araw sa kalangitan. Medyo inaantok pa ako nun, pero nakatingin lang ako lagi sa labas. Mas malawak pa yung mga palayan nila kaysa dun sa nasa Altarez. May apat pa yata kaming dinaanan na sementeryo (hmm ba't kaya ang dami...).

Sa Aniceto Mansion kami unang napadpad. Kanino daw mansion yun? Di kasi ako nakinig masyado... Basta nakakatuwang makapasok sa mga bahay na nay lumang design, yun bang tipong kahoy ang mga sahig at pader, tapos maamoy mo pa yung alikabok, patunay na antique talaga yung bahay. Kumain kami sa second floor ng Mansion. Ano nga bang ulam namin nun... native longganisa, barbecue chicken, at saka dried na isda na parang pusit. Dun din kami unang naghanap ng CR kung saan pwede umano, yung ano, alam nyo na yun. Ahaha.


Ibang-iba ang environment sa Vigan. Pinaghalong classic at modern. Makaluma ang design ng labas ng mga modern establishments tulad ng bangko, saka yung McDonalds, pero pareho pa din yung loob. Anlupet pa kamo nung mga kalesa dun, lalo na sa pagpa-park! Parang may kambyo ung hinete (yung nagpapatakbo sa kabayo, tama ba...); magre-reverse, tapos pag malapit na bumangga eh magnyu-neutral na. Haha!

Madami kaming pinuntahan na simbahan sa tour, hindi ko lang matandaan lahat ng pangalan. Padre Burgos ata yung unang church, tapos, madami pa sa mga sumunod na araw. Sa may Vigan Heritage Site (Calle Crisologo ang nakalagay sa itinerary) kami sunod na pumunta. Napansin ko agad na basa (wet) yung kalye doon kahit 'di naman umulan, tapos may halo pa yatang sabon. Para hindi mangamoy yung ano, yung ano ng mga kabayo doon. 'Di yata kasi nagshoo-shoot yung ano nila sa sako nila sa likod. Heheh. Grabe, yun pala yung nakikita mo sa postcards. puro bricks yung kalye, tapos magkabila ang tindahan ng souvenir items. Basta, ang ganda doon. Sumakay pa nga kami sa kalesa, trip lang. Libre pa ni Ely yung kalesa trip kasi binigyan sya ng pera ng tito nya yata yun. Pagkatapos namin doon, medyo nalito na ako kung saan kami pumunta, haha. Basta tumigil muna kami sa may McDo para mag-Float (thaks ulit Ely sa Float yeah). Paglabas namin, nawawala na yung mga kasama namin. Edi kung saan-saan kami nakapunta. Nakita din naman namin yung bus, nasa labas ng isang museum.

Pagkatapus nun, sa Hidden Garden naman kami pumunta. Akalain mo, napuntahan namin yun kahit hidden yun, ahaha. Anu bang merun dun...hmm..madaming halaman. :) May bayad daw yung CR dun kaya sa labas na lang kami umihi, sa may mga kawayan. Wee. Nung pabalik na kami sa bus, kinukwento ko kina Ely at Ephraim yung napanood kong video na nagtuturo kung paano mag-scream ng pahigop (Pig Squeals). Nung sinubukan ni Ephraim mag-scream, tumahol yung aso sa katabing bahay nung Hidden Garden, hehe. Rakista siguro yung aso.

Malakas ang trip namin habang bumabyahe. Nagkakantahan kasi kami sa likod, may gitara at beatbox pa. Asteeg. 'Di na namin napapakinggan masyado si Kuya Eric.

Next stop: Caoayan Heritage Resort. Dun kami nag-lunch. Chopsuey saka fish fillet yung natatandaan kong ulam doon, tapos may kasama pang masarap na corn soup yata yun. Muntik pang hindi makakain si Alex ng lunch, hindi kasi sya agad bumaba ng bus. Ayun, nasaraduhan sa loob. Pa'no kaya yun nakalabas... Teka wala yata kami'ng photos dun. Hayy.

Sa Baluarte ni Chavit naman kami pumunta. Parang zoo na amusement park yung lugar. Grabe yun si Chavit Singson, nakapagtayo ng sariling park gamit yung napanalunan nya sa mahjong (saka sa jueteng?). May mga tinitinda din doon na souvenir items. Dun na kami bumili ni Ephraim ng accessories para sa grad ball. Bumili ako ng fancy na krus na necklace, tapos pipa naman yung design nung necklace na binili ni Ephraim.

BGM: Spoliarium - Imago (Eraserheads Cover)
Pagkatapos nun...hmm..nakatulog yata ako ng matagal. Nagising na lang ako sa shrine ni Juan Luna. Asteeg talaga yung interpretations ng paintings. Saka mo lang maapreciate yung painting pag nalaman mo yung ibig sabihin ng mga parts nun. Anlaki pa nung replica ng Spoliarium, mga seven feet tall tapos nine feet wide. Mas malaki pa nga daw yung original nun, sabi nung guide sa shrine. What the. Natuwa ako dun sa isa pang painting dun, yung Parisian Life. Mapa daw ng Pilipinas (flipped horizontally) yung style ng pagkakaupo ng babae kaya weird yung position nya. Cool. Balik na sa bus.

Parisian Life by Juan Luna

Sa wakas, nakarating na kami sa pagchecheck-inan namin... sa Northview Hotel. Unahan agad kami sa CR para maligo at umano, yun. Magkakasama kami nila Ely, Dan, Ephraim, Albert, saka Alex sa room 2 nung nakahiwalay na part sa main building ng hotel, yung parang extension. Sabi ni Albert, para daw kaming squatter dun, simple lang kasi yung room namin: air-conditioned, may isang kama na pang-dalawa, tapus meron din na kutson sa baba, isang lababo na may salamin, cable TV, tapos CR na may shower, di katulad sa iba na may telephone pa at kung ano-ano. Ang malupet pa nito eh yung valve ng shower yung nagiging switch ng gripo, ang hina kasi ng tubig kaya lumalakas lang yung higop ng tubig sa gripo kapag bukas din yung sa shower! Ah basta...

Umalis ulit kami para kumain sa La Preciosa ng dinner. Nice naman yung lugar. Napaka-cozy nung yellow na ambiance. Unahan na naman kami sa pila ng pagkain, pero ayos lang. Hindi ko alam kung ano yung ulam namin doon, pero ang alam ko may parang ampalaya na mixed vegetables yun, tapos atay yata yung isa pang ulam...Tapos bumalik na kami sa hotel.

BGM: I Believe I Can Fly - R. Kelly
Pumunta kami sa seminar ni Dr. Yu tungkol sa career management. Nagpaiwan si Ely at Albert sa room para magburn ng mga CD na ipamimigay (sana) sa graduation ball bukas. Eto yung isang natutunan ko sa seminar: Make a resumè that is impressive enough to get you an interview, not a job. Pagkatapos ng seminar, may pinalaro si sir Gloria, isang tanong. Paang ganito yung nakalagay:

Which of the following makes a difference?
a. Dear
b. Dare
c: Read
d. Earn
e: None, specify

'Di ko masyado na-gets kung bakit e: Change yung tamang sagot, pero nakuha ko yung point ni sir: balewala din yung mga bagay na itinuro nila sir sa amin kung hindi kami magbabago para gawin ang mga bagay na yun. At dahil d: Earn ang sagot ko (na sagot ng mga gullible, sabi ni sir Gloria), kumita pa ako ng bente pesos kasi binigay sa akin ni ate Pura yung sampung piso nya dahil d: Earn din ang sagot nya, plus yung sampung piso ko hehe. Thanks ate Pura.

Tambay na kami sa kwarto namin pagkatapos. May nakalagay dun sa pinto ng CR na house rules, isa doon ay yung bawal mag-gambling. Pero wala yun kina Daniel kasi nag-poker sila dun sa room namin kasama sina Jolly at Rana at Noemi at Marsha, hehe, gamit yung poker chips na dala ni Ephraim. Saka naman dumating si Apple nung tapos na sila mag-poker. Ngek. Nagbuburn pa din sila Ely nun ng CD hanggang sa natulog ako ng mga 1pm na ata yun.


Monday, March 22, 2010

BGM: Together - Ruben Studdard
'Di ko alam kung natulog si Ely kasi gising pa din sya nung nagising ako. Naririnig ko yung alarm tone ni Dan, tapos nag-alarm na din yung phone ko kaya bumangon na ako. Nagpa-room service pa si Ely ng kape para sa ami'ng anim. Naligo na agad ako para di kami naghintayan sa paggamit ng CR. Tapos kumain na kami sa Garden Grill ng Northview Hotel. Hmm, medyo hindi yata na-maintain yung kainan kasi parang walang laman yung loob. For breakfast, fried rice with corned beef and scrambled egg ang ulam namin.

Sumakay na ulit kami sa bus para sa second day ng tour namin. Una kaming pumunta sa may tulay na malapit sa maaliwalas na tabing-dagat (Patapat Bridge ayon sa itinerary). Ang sarap pakinggan ng hampas ng alon ng dagat sa dalampasigan na puno ng malalaking bato. Syempre nag-take kami ng mga photos dun. Sayang nga, hindi kami nakapunta sa may seashore kasi sandali lang kami sa lugar na yun.

Hmm, kung hindi ako nagkakamali, sa Villa Del Mar na kami sunod na nakarating. Sayang talaga, walang nakapagdala sa amin sa room 2 ng pang-swimming. Nakow. Namili muna kami ng souvenir items dun. Dahil wala akong mapili sa mga seashells at mga necklace na tinitinda, bumili na lang ako ng isang crab na figurine na gumagalaw yung paa. Nakakatuwa kasi, may sound effects pa 'pag gumagalaw yung paa. Ahaha asteeg! Tapos kumain kami ng lunch doon. Ulam: chopsuey na naman? Saka pininyahang manok yata yun. Hmm ba't kaya ang dalas ng chopsuey sa mga ulam namin. Tapos may fruit salad pa for dessert. Nagkantahan sa videoke at nag-inom na yung iba sa amin, kaya naghanap na kami ng tamabayan kung saan masarap mag-jamming gamit yung beatbox saka gitara. Andun lang kami sa isang cottage na yun, nagkakantahan ng kung ano-anong kanta na A-E-F#m-D ang chords tulad ng Don't Matter, Ignition, Burn, Tattoo, No One, Where Is The Love, nakow ang galing nga eh ang daming pwedeng kanta hehe, try mo. Nagpa-henna tattoo naman yung iba sa amin. Waw. Pati si ate Sharla may butterfly tattoo sa batok. Yeah asteeg.


BGM: Who Am I - Casting Crowns
Ayun, umalis na kami, di man lang kami nakapunta masyado sa may seashore...hayy sayang talaga. Natulog yung iba sa amin sa bus (kasama ba ako dun?) habang papunta sa next na destination. Si Rana naman, kuha nang kuha ng mga sleep shots ng mga klasmeyt namin na natutulog. Salbahe, ahaha. Pumunta naman kami sa may windmill na pinagawa ni Marcos. Modern yung desing nung windmill, hindi katulad nung nasa Switzerland na kahoy. Grabe, sobrang taas. Ang galing. It was a view to marvel at.

Nagsimula na akong antukin nung mga sumunod na oras. Pagkagising ko kasi, nasa may salt factory (refinery?) na kami. Ayun, pagawaan ng asin. Ang sabi ng isang klasmeyt namin, matabang daw yung asin nila. Sabi naman ni Christian, "Edi lagyan mo ng asin para umalat!" Ahaha nice.

Umalis na kami doon. Tumigil muna kami sa may bayan yata yun. Doon sila bumili ng tatlong bote ng The Bar Apple Vodka, saka Nestea Litro Pack. Ay, alam na kung anong meron mamayang gabi. Tapos nakatulog ulit yata ako. Paggising ko, nasa may isang church kami. Pero hindi kami pumunta dun kasi sa McDo kami dumerecho. Ahaha. Bumili kami ng large na Fries at burger McDo ni Ely.

Bumalik na kami sa Northview Hotel. Naligo ulit kami kasi Graduation Ball na yung susunod na program namin. Ayun, nag-Hawaiian costume na kami, pero ewan ko kung hawaiian yung suot ko, parang beach attire lang kasi yung sa akin. Bahala na. Noon pa lang din kami nagpraktis nila Tope at Popoy ng tutugtugin namin para sa intermission number mamaya. 1 praktis lang. Anlupet namin haha. Nagset-up na din kami ni Ely ng mga laptop at sound system. Ang galing nga eh, basta kahit pano eh hindi naman kami binigo ng crew ng Northview sa sound system nila. Salamat po.

BGM:
Para Sa Akin - Sitti Navarro
I Didn't Know I Was Looking For Love - Sitti Navarro
I'm Yours - Jason Mraz
Lucky - Jason Mraz and Colbie Caillat

Graduation Ball na. Andun pa din ako nakaupo sa may sound system nang lumapit si Mam Cabalza tapos sinabi sa akin na kasali din daw ako sa entrance ng mga graduates. Ni-loop ko na lang yung dalawang Sitti songs tapos iniwan ko na yung laptop. Wala akong kaalam-alam kung ano ang gagawin kasi hindi ako nakinig sa instructions para sa entrance. Basta nakatambay lang ako sa may pila, hindi alam kung sino ang makaka-partner. Tinawag na ako, tapos si Gem yung naka-partner ko. Edi nagpaturo na lang ako kung ano yung gagwin; kukuha ng flower yung guy tapos bracelet na native yung kukunin ng girl. Tapos pupunta sa may tabi ng pool tapos ilalagay ng guy yung flower sa may tenga ng girl tapos isusuot ng girl yung bracelet sa guy. Pose para sa picture, tapos ihatid yung girl sa table nya. Ayaw mag-lock nung bracelet nang nilalagay na ni Gem sa kanang braso ko. Kunwari na lang nakalagay nung nagpa-picture na kami. Tapos, nung tinawag na si Joberg, si Ross yung pumalit. Wala pala si Joberg dun. Ayun, pinahiram ko yung isa pang hawaiian na polo sa kanya, yung mukhang Lito Atienza. Ayus na yan, sabi ko sa kanya, kaysa naman sa wala. Nung nakapila na ulit ako, tinawag ako ni Eve. Sabi nya mas bagay daw 'pag hindi ko suot yung hat ko na mukhang kay Kuya Kim. Hayy, sana pala di ko na lang yun sinuot kanina nung ka-partner ko si Gem. Tinawag na ulit ako, tapos si Eve naman yung naka-partner ko. Ayun, ayaw talaga pumihit nung lock ng bracelet. Bakit kaya.

Edit: Salamat sa photos ni Mam Cabalza, naalala ko na nakapartner ko nga din pala si Perlie. :)

The Power Four, ayon kay Ephraim 
Nagkainan na kami ng dinner pagkatapos, habang fina-flash na yung slideshow na pinaghirapan ni Ely. Hehe. Teka lang, no joke, chopsuey na naman yung ulam namin. Tapos may morcon at hamonado pa. Ayun, syempre nagtatawanan kami sa mga makukulit na never-before-seen photos doon sa slideshow. 'Di ko lang alam, pero siguro may mga na-offend din. Pasensya na po. Peace po tayo. ^^

Class prophecy na yung sumunod. Pero bago yun, nag-intermission muna sila Rose nung Leave for Tomorrow na sayaw nila. Si Rizaly yung nagbasa nung prophecy sa amin. (May casino na si Ephraim, tapos mag-asawa na si Albert at Tot?!) Tapos nag-intermission naman kami nila Tope at Popoy. Your Song saka Ang Huling El Bimbo. Tapos yung sa Marketing na yata yung sumunod na prophecy. Tapos intermission ulit, kami naman nila Ephraim at Ely. Moment of Truth, Take A Bow, Bye Bye, Para Sa Akin, You've Got A Friend, tapos Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko, medley. Tapos sa groups naman ng BM yung mga next na prophecy. Tapos, tapos na yung program. Ahaha. Binigyan ng awards yung mga best in luau costume. Nanalo dun sina Nery at Daniel, kaya may award silang ANL (itanong mo kay Bob Ong kung ano ang ANL). Natapos na talaga yung program, pero parang gusto pa nila sir, kaya pinatugtog namin yung video nila na "I Feel Good! tenenenenenenen...", pero wala na talagang sumunod na party, alas dose na kasi kami natapos. Ahaha lasing lang siguro sila sir.


Tuesday, March 23, 2010

Bumalik na kami sa room namin para magpalit na ng damit. Pumunta muna kami ni Ely sa lobby ng hotel kasi hinihintay namin sila Eve para mag-fellowship. Nag-text si Eve na baka bukas na lang kasi pagod na kami. Pagbalik namin sa room, bubuksan na nila yung The Bar na binili nila kanina. Pumunta sa room namin sina Winfel, si Apple, saka si "Marsha" para uminom din. Nagbuburn pa din si Ely ng mga CD, kaya hindi sya uminom. Ako naman, nagtalukbong na ako sa kama para matulog, kaya lang after two hours nainitan ako sa kumot, kaya bumangon na lang ako. Ayun, lasing na yung iba sa kanila nung gumising ko. Nagpicture-picture na kami sa room kasi last na daw yun. Dun na din natulog sa amin sila "Marsha" pagkatapos nila mag-inom. Lumabas si Ely sandali sa room, tapos sinabi nya sa akin na tapos na din daw mag-inom sila sir, kaya lumabas na muna ako para tumugtog ng gitara, parang quiet time ko mag-isa.

BGM: Silence
Nung wala na akong tinutugtog, napansin ko na parang nanginginig yung mga paa ko. Akala ko nung una eh kulang lang ako sa tulog. Hanggang sa tumigil talaga ako sa pag-galaw. Lumilindol pala, ang lakas. Sa tingin ko, mga ten seconds yun tumagal. Parang may humahawak sa balikat mo at kinukulit ka nya na ibigay mo sa kanya yung pagkain nya, ganun ka-lakas yung lindol. Tapos, nag-brown-out sa buong hotel. Pagkatapos ng lindol, pumasok agad ako sa kwarto. Nagising si Jolly at yung iba pa sa lindol. Lumabas agad kami sa room kasi baka magkaroon agad ng aftershock. Kaya lang, ayaw gumising ni Daniel, kaya inalalayan pa namin sya sa balikat para lang makalabas.

Pagdating namin sa may labas ng main building ng hotel, andun na din sila Dr. Yu at Sir Gloria. Nakinig agad ng radyo sa bus yung mga taga-Haranah. Sabi nila 5.7 daw yung intensity ng lindol. Nagtext si Eve, tapos pinapunta ako ni Ely kina Eve para mag-pray. Hindi nakasama si Ely kasi hindi nya ma-iwan yung kasama namin na naghahanap ng goto. Hehehe. Pagpunta ko kina Eve, nag-pray kami, nagpasalamat kay God na walang nasaktan, at nag-pray para sa protection ng mga family namin, at saka nag-pray na ma-realize ng iba kung ano ang power ng Diyos.

Bumalik na kami sa mga room namin nung mga 5am. Wala pa ding kuryente nun, Kaya nag-wifi muna kami ni Ely (parang anlayo ng koneksyon sa sitwasyon ahaha). Nakitext na din ako kay ate Sharla para sabihin yung sitwasyon namin kila Daddy sa Laguna. Nung mga bandang alas-sais na, inantok na ako nun ulit, kaya sinubukan kong matulog ulit sa room.

Pag-gising ko, 7:30am na. Tulog pa din si Dan at Alex. Nakow edi karipas kaming tatlo kasi breakfast na, eh 8am kami aalis ng hotel. Hindi na nga ako nakaligo nun. Naghilamos na lang ako tapos nag-ayos ng gamit. Nagbukas din kami ng TV nun. Naibalita na agad sa Unang Hirit yung lindol, 5.7 nga yung intensity.

Umalis na kami ng room namin. Ibinalik na namin yung susi ng room namin sa reception, tapos nilagay na namin yung gamit namin sa bus bago kami nakakain ng almusal. Hmm ano nga bang ulam namin nun, hard-boiled egg at saka tapa. Mabilis lang kami kumain, tapos nirefillan namin yung bote namin ng tubig para may baon kami. Humingi din sila Dan ng plastic sa Garden Grill, baka daw kasi sila magsuka sa byahe.

Ito na yung last day ng tour namin. Sa Santa Monica Church yung unang destination namin nung araw na yun, yung kinukwento ni Kuya Eric na nung tour nila kasama ang Perpetual GMA, may nagpakita daw na multo sa picture ng isang estudyante. Asteeg. Antique na talaga yung church. Meron din sa likod nun na execution site. Pero ako, nag-hanap agad ako ng piano. Meron naman, kaya lang hindi ko alam kung paano i-operate. Asteeg, keyboard na merung inaapakan na keys din. Saglit ko lang na-try kasi saka ko lang nalaman kung nasaan yung volume nung paalis na kami. Hayy.

Nung araw na yun, saka ko lang na-appreciate si Ferdinand Marcos. Sunod kasi kaming pumunta sa museum ni Marcos. Ang dami nya palang nai-contribute sa Pilipinas, bukod sa Martial Law. Dun ko lang din nalaman na magaling pala siya magsulat. Nakapasok kami sa crypt nya kung nasaan yung katawan nya na pinatungan na daw ng wax. Creepy yung loob nung crypt, tapos bawal pa ang picture-taking sa loob. Hindi din ako masyado natuwa dun sa katawan ni Ferdinand kasi nga parang wax na lang na nakahiga yung andun sa loob.

Pagkatapos namin sa museum ni Marcos, pumunta naman kami sa tinuluyan nila Ferdinand at Imelda sa Ilocos, sa Malacañang of the North. May nagtitinda doon ng native na bawang (ahaha anu ulit ang koneksyon?). Antique na din yung lugar. Halos sa kahoy lahat gawa yung bahay saka yung mga furnitures doon. Maamoy mo din yung antique na amoy. Nasa likod noon yung Paoay Lake na kumikislap ang kagandahan dahil sa asul na asul na kulay nito. Ang sarap magpicture-taking doon.

Bumalik na kami sa bus, tapos sinabi ni Kuya Eric na sa Fort Ilocandia na yung next na pupuntahan namin. Yeah sa wakas. Ang sabi kasi sakin ni Lei, maganda daw dun, Number 1 of 7 yata yun compared sa Northview hotel na pang-6 out of 7 sa best hotels sa Ilocos. Hehe. Mabuhangin ang tabi ng Fort Ilocandia, parang disyerto sa Ilocos. Weird. Pagdating namin sa Fort Ilocandia, winelcome kami nung mga sumasayaw na ano, basta yung mga kumakanta na may tambourine pa. May libre pa kaming Four Seasons pagpasok namin sa hotel. Dumerecho na kami sa Cafè Ilocandia para sa lunch namin. Self-service ang lunch namin doon, kaya naka-dalawang pila ako sa food, hehe. Aba sayang ang P700 na lunch doon, kaya dapat sulitin. Menu: Chopsuey (walang kamatayan), fish fillet, saka yung chicken na ano, hindi ko alam yung luto. With nilagang baka soup and salad for dessert. Pleasant yung environment ng gitna ng hotel. May grand piano pa nga sa gitna, sayang nga lang at hindi ko na-try. Nagpicturan din kami sa labas ng hotel. Nag-uwi din pala kami ng chopsticks ng Fort Ilocandia. Wala lang.

Dinaanan na namin yung mga pasalubong namin na pinalista namin nung first day ng tour. Umorder ako ng isang box ng bibingka, P120, para kahit paano eh may pasalubong ako sa amin. Medyo natagalan kami doon.

Mahaba ang sumunod na byahe bago kami nakarating sa last destination namin, sa Santa Maria Church. Mataas ang hagdan paakyat sa church, pero ayos lang. Bagay na bagay ang tanawin sa tabi ng simbahan kasama ng masarap na simoy ng kalangitan na dulot ng paglubog ng araw. May nakita na naman akong keyboard dun, medyo pareho din yung model, pero nasa taas na yung volume, kaya nagamit ko kahit paano. Pero tumigil din agad ako kasi baka mahuli (get caught) ako ng nagbabantay dun. Yung background music ng Plants Vs Zombies pa man din yung tinutugtog ko. Haha. Nung pababa na kami, saka pa lang namin nasalubong sila Ysabelle at Gem. "Papunta pa lang kayo, pabalik na kami!", sabi ko sa kanila. Nahuli kasing dumating yung bus nila papunta doon. Pagbaba namin, nagmerienda muna kami. Bumili ako ng 1 liter na Nature's Spring, tapos bumili ng isaw sila Ephraim. Ang laki ng biniling Empanada ni Ely, mga 4 times ng laki nung nasa SM na franchise. Mas malaman pa.

Nakatulog ulit ako sa byahe. Paggising ko, nasa may Jollibee na kami para sa dinner namin. 2-piece Chickenjoy ang ulam namin na may kasamang extra rice. Tinake-out nung iba yung sobra nilang chicken, pero inubos ko na doon yung sa akin. Nanghihingi pa nga si Ephraim ng chicken nung nasa bus na kami. (Sa style ni Mike Enriquez) "Pati manok ng iba, aba'y kinukuha pa!" :)

Pauwi na kami. Dahil mahaba ang byahe, nagkantahan ulit kami sa bus; naggigitara ako tapos nagbibeat-box si Ephraim, tapos gamit ni Jolly yung itlog na maracas. Hindi na namin pinapansin yung mga Will Smith movies na palabas sa DVD Player ng bus. Madami din kaming nakanta: Kamuning (Get Me), A Little Bit, So Slow, Para Sayo (kanta ni Ephraim para kay Chin-Chan-Su, haha), saka iba pa. Hanggang sa inantok na kami at nakatulog. Nagising na lang ulit kami sa stop-over namin sa Petron Bulacan. Akala ko nga nasa SLEX na kami nun kasi magkatulad yung likod nung Petron na yun at saka yung Petron San Pedro. Nakitext ulit ako kay ate Sharla, sabi ko kay Daddy mga 1 to 2am po ang dating namin.

Nakatulog ulit ako sa byahe. Hindi ko namalayan na nasa Carmona Exit na kami nung magising ulit ako. Malapit na pala kami maka-uwi. Malapit na pala kami maghiwa-hiwalay. Ginising na kami lahat ni Kuya Eric, tapos nagpasalamat sya sa amin sa tour na yun, at sana daw, sa isanlibong sinabi nya eh may natandaan kami doon kahit sampu lang. Dumating na kami sa Perpetual ng mga bandang 3am. Hindi pa din nauubos ni Ephraim yung cornick nya. Haha. Pagbaba namin sa bus, inabot agad ni Daddy yung mga bagahe ko. Nandoon na sila Mam Cabalza sa terminal nung dumating kami. Nauna na palang dumating yung bus 1 sa school. Nung nakapag-ayos na kami ng mga gamit, nagpaalam na ako sa kanila.

Ang bilis ng mga pangyayari. Parang isang araw lang kami nagbyahe. Natapos na agad nang di ko namalayan. Ang daming pinuntahan at pinagdaanan. Pero kahit na maikli lang ang oras na yun, hinding-hindi ko yun kakalimutan, o makakalimutan. Aba, ang laki kaya ng P6,700 para iisantabi lang. Haha. Salamat sa Diyos sa mga pagkakataon tulad ng Ilocos tour namin.

Images used without permission. Ahehe.

0 comments: